subok lang..

Tuesday, August 22, 2006

TURUMPO

Tama na muna ang mga litrato balik sa ligaya ng pagsusulat.

Isang araw habang akoy nagbabantay sa clinic ng tatay ko, nakarinig ako ng mga batang nagkakantyawan sa labas. Sumilip ako sa bintana at natanaw ang isang grupo ng mga bata na naglalaro. Limang bata ang aking nakita na naglalaro ng trumpo. Matagal na ring panahon nang huli akong
makakita ng mga batang naglalaro ng trumpo.

sa mga hindi nakakaalam....

*hindi lang puros pagpapaikot lang ng turumpo o kaya pagalingan sa exhibition ang laro ng turumpo. Mayroon ding laro ito na halintulad sa holen. May maliit na parisukat na drowing sa kalsada. sabihin na nating 10 by 10 inches ang laki at ang mga turumpong napapaloob dito sa laro ang nagsisilbing mga taya. 2 ang nakita kong taya noon. Ang iba naman hawak ang kanilang mga turumpo at pilit na aasintahin ang mga tayang turumpo. Kailangan mapalabas mo ang mga nakahigang turumpo sa loob ng parisukat. kailangan din umiikot pa ang turumpo mo matapos mong tamaan ang mga taya.

*kung sakali namang sumablay ka, at umikot ang turumpo mo lang ng walang tinamaan, pwedeng hulihin ng mga taya ang sumablay na turumpo. Ang makahuli, ligtas na sa pagiging taya, samantalang ang nahuli syang magiging taya. Unahan siempre ang mga taya sa mga sumablay na turumpo.

*Ano ang premyo kapag napalabas mo ang isang turumpo sa parisukat? Kokonyatan mo ang mga turumpong tinamaan mo. Konyat. Ipupukpok mo ang pako ng iyong turumpo sa ulo ng turumpo na nailabas mo. Ayun maaring mabasag ang turumpo ng kalaro mo o kaya'y magkakabutas butas.Basagan ang laro dito.

*depende sa napagusapan ang basagan: may isang beses na konyat, o kaya'y dalawa o kung mamalasin mas marami pa.

Ayan ang larong turumpo.

Balik sa kwento....

Malakas ang sigawan ng mga bata, "oy oy, nahuli ko kaw na taya....oy nakadalawang konyat ka na ah!.......bal bal bal....." Nakangiti ako habang pinaopanuod ko sila. Lalo na kapag nagkokonyatan na. May mga naguusisang fans din ang mga bata na nagbbibigay ng tips sa tamang pagkonyat para mas malaki ang maging sira ng turumpo ng kalaro. "gamitan mo ng kahoy at pukpukin!.......sa gilid para matapyas agad."

Kakaibang tuwa at ngiti ang nakita ko, kung kayat pati ako hindi rin napigilang mapangiti habang pinapanuod ang mga bata. May isang batang kahit na natapyasan na ng trumpo, nakatawa parin at kita sa mata nya ang pagasang makakakonyat din sya sa turumpo ng mga kalaro.

Buti pa sya..di tulad ko nun na iyakin tuwing nabibiyak ang dyes pesos kong turumpo.

Bihira na ako makakita ng mga batang naglalaro tulad ng nakita ko. Lalo na kapag nandun ako sa lugar kung saan ako lumaki at minsan naging batang kalye.

Batang kalye: mga panahon na naligo kami ng mga kaibigan ko sa ulan at naglaro sa bahang hanggang tuhod, nagtumbang preso sa gitna ng kalasada (di madalas daanan kasi ng sasakyan), patintero, taguan na walang hangganan ang lugar kung saan ka pwede magtago. lalo na kapag brownout. madalas brownout nun naalala nyo mga "cohorts"?(kahit pa sa kabilang baranggay ka pa magtago pweede pero sira na talaga ulo mo
kung gawin mo yun. talgang iiyak ka pag taya ka), langit lupa, monkey monkey,swimming sa baha (nung medyo tumanda tsaka ko naintindihan kung bakit galit na galit ang mga tita ko tuwing nakikita kami ng mga kaibigan kong naglalaro sa baha. yak!)

Sa ngayon, bihira na ako makakita ng mga batang naglalaro ng mga yan. Nawawala na ang mga bata sa kalsada. Wala na nagtuturumpo, wala nang nagpapatintero..pansin ko lang.

Iba na talaga ang panahon. kung noon may patintero, ngayon may pangya, kung noon may agawan base, ngayon may DOTA.Ang mga batang nawawwala sa kalsada, andun nakita ko nakatunganga sa computer. Pansin ko lang, sa panahon ngayon, daliri nalang ang kumikilos kapag naglalaro. Isa pa, nagkakaroon ka ng kalaro na hindi mo nakikita at di alam ang itsura. salamat sa mga makabagong teknolohiya.

Magmumukhang "prehistoric" ang mga kinagisnan kong laro kumpara sa mga makabagong laro ngayon. Minsan nakakalungkot isipin pero ganun talga, nagbabago ang panahon at sitwasyon, walang permanente. Marami ang napagiiwanan at napapalitan. Tumitigil din sa pagikot ang turumpo.

Para sa nakita ko.....

Napangiti ako nung araw na nakita ko ang mga bata. Napangiti ako hindi dahil sa nakakatawa ang kanilang mga hirit, kantiyawan at kakulitan, ngunit sa dahilan na nakakapagbigay parin pala sa panahong ito ng saya at ngiti ang isang "prehistoric" na laro na noon'y nakapagpangiti din sa akin .

ayun.